KINASUHAN ng Office of the Ombudsman si dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Rep.
Janette Garin at apat na iba pa ng graft at technical malversation.
Ito ay nag-ugat sa diumano’y maanomalyang pagbili ng P3.5 bilyong halaga ng Dengvaxia
vaccines noong 2015.
Sinabi ni Ombudsman Samuel Martires na nai-file na nitong Martes ng mga inbestigador ang
kaso laban kina Garin at iba pang opisyal sa Sandiganbayan.
Sa tatlong-pahinang charge sheet ng Ombudsman na may petsang Agosto 23, kasama si Garin
bilang coaccused sa graft case kasama sina dating Health USec. Gerardo Bayugo, dating
Department of Health (DoH) OIC Director Maria Joyce Ducusin, dating Health USec. Kenneth
Hartigan-Go at dating Philippine Children’s Medical Center executive director Julius Lecciones.
Maliban kay Bayugo, ang ibang mga co-accused ay sinampahan din nang paglabag sa Article
220 ng Revised Penal Code, o ang illegal na paggamit ng pondo ng bayan o ari-arian, batay sa
hiwalay na tatlong-pahinang kaso ng technical malversation.
Ang mga kaso ay may kaugnayan sa pagbili ng mga bakuna para sa dengue immunization
program sa ilalim ng noo’y Pangulong Benigno Aquino III. Ito ay binusisi sa ilalim ng
administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang kahina-hinalang pagkamatay ng
marmaing mga bata at adulto matapos turukan ng Dengvaxia.
Sinabi noon nina Garin at Aquino na ang mga pagkamatay ay hindi sanhi ng Dengvaxia, taliwas
sa findings ng Public Attorney’s Office (PAO) sa ilalim ni Prescilla Acosta, na ibinatay ang
kanyang argumento sa natuklasan ng kanyang forensics team.
Tungkol sa kasong malversation, sinabi ng Ombudsman na ang pondong P3.55-billion para sa
bakuna ay nakatakdang gamiting sa Expanded Program on Immunization (EPI) ng Department
of Health (DoH).
Ang bakuna sa dengue ay hindi bahagi ng EPI, sa ilalim ng Volume 1 ng Philippine National
Drug Formulary (PNDF), ayon sa mga prosekyutor.
Nagbigay pa ng detalye ang Ombudsman sa ilang mga batas na nilabag nina Garin sa naturang
kaso.
Ayon sa ilang observers, sana nga ay matamo ang katarungan ng pamilya ng mga bata at
adultong namatay matapos turukan ng Dengvaxia.