MAHIGIT 1,700 mga Pilipinong nahaharap sa krisis sa Metro Manila ang tumanggap ng ayuda
sa DSWD sa pakikipagtulungan nina Senador Alan Peter at Pia Cayetano Bumisita ang DSWD o ang Department of Social Welfare and Development kasama ang dalawang senador sa mga lungsod ng Quezon, Marikina, at Parañaque nitong Oktubre 16, 17 at 19.
Namahagi sila ng tulong sa ilalim ng DSWD program na Assistance to Individuals in Crisis
Situations (AICS) ng Bayanihan Caravan.
Ang AICS ay may layuning matulungan ang mga Pilipinong humaharap sa matinding dagok sa
buhay na matugunan ang kanilang pangangailangang pinansyal, medikal, pampalibing sa
yumaong kaanak, pang-edukasyon, o sa pagkain.
Bukod sa AICS, naghatid din ng tulong-medikal sa mga benepisyaryo ang Bayanihan Caravan
team sa pamamagitan ng mga guarantee letter. Ginagamit ito sa mga piling government hospital
bilang anyo ng pambayad sa mga medical procedure, gamot, o bayarin.
May kabuuang 500 micro-entrepreneur, atleta at coach, at mga bike rider sa Barangay Tumana,
Marikina ang nakatanggap ng tulong sa unang araw ng aktibidad, October 16, na isinagawa sa
pakikipag-ugnayan kay Barangay Captain Ziffred Ancheta.
Kinabukasan, October 17, naghatid ng tulong sa 750 residente ng Quezon City na kabilang sa
“Presyo Trabaho Kita/Kaayusan” (PTK) community ang Bayanihan Caravan sa
pakikipagtulungan ni Kapitan Carl Lipnica ng Barangay Pinyahan.
Ang programang PTK ni Senator Alan, na nagsimula noong 2013, ay nagbibigay ng kapital sa
mga sektoral na kooperatiba para makapagtatag ng kani-kanilang loan program, kung saan
nakakautang ng puhunan ang kanilang miyembro sa mababang interes.
“Makakatulong itong financial assistance na natanggap ko sa transportation ko bilang isang
empleyado,” ani Jona Lacandazo, isa sa mga benepisyaryo, kasabay ang pasasalamat sa
magkapatid na senador.
Sa huling araw ng aktibidad, October 19, may kabuuang 500 piling micro-entrepreneur sa
Parañaque ang nakatanggap ng tulong mula sa Bayanihan Caravan team.