Laglag sa kamay ng batas ang isang 43-anyos na babae matapos malambat sa illegal na pagbebenta ng shabu at makuhanan pa ng aabot sa P81,000 halaga ng droga sa ikinasang buy bust operation, Martes ng madaling araw sa Brgy. Maybunga, Pasig City.
Ayon kay PCol. Celerino Sacro, hepe ng Pasig City Police, inaresto ang suspek na nakilala sa alyas na “Nancy”, high school graduate at residente ng Brgy. Maybunga, bandang 1:40 Martes ng madaling araw sa kahabaan ng Dr. Sixto Antonio Avenue.
Matapos ang surveillance, agad na ikinasa ang buy bust operation at nalambat ang suspek sa aktong pagbebenta ng shabu makaraan ang pakikipagtransaksyon sa isang pulis na umaktong buyer.
Nakumpiska mula sa bebot ang walong piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng 12 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P81,600.00, isang coin purse, isang unit Oppo cellphone at buy-bust money.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek at kinasuhan na ng paglabag sa Sections 5 at 11 Art. II ng R.A. No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dinala ang mga ebidensya sa EPD-Forensic Unit, Mandaluyong City para sa drug test and laboratory examination.