ONE percent lamang ng mga may-ari ng sasakyan sa bansa ang nagrerehistro o nagre-renew ng
sasakyan online.
Ito ang pahayag ni Land Transportation Office (LTO) chief. Vigor Mendoza. Dahil dito
inatasan niya ang bawat LTO director sa 17 rehiyon sa bansa, na gawing intensive ang
information drive para sa online transactions ng pagre-rehistro ng sasakyan.
Ayon pa kay Mendoza, dapat maipabatid sa 99 percent ng mga may-ari ng sasakyan na may
kapasidad na ang LTO sa online registration, na siyang trend ngayon sa mundo lalo na sa mga
mauunlad na bansa.
Target ng LTO na makukumbinsi ang mas malaking bilang ng mga may-ari ng kotse, trak, van,
motorsiklo at iba pang sasakayan na gumamit ng online platform lalo na sa susunod na taon, sa
kanilang transaksyon sa ahensya. Kung mas marami raw ang gagawa ng bawat transaksyon
online, tiyak na mababawasan na ang mahahabang pila sa LTO, lalo na kung malapit na ang
katapusan ng bawat buwan.
Samantala, tiniyak ni Mendoza ang patuloy na pagpapahusay ng digitalization ng LTO, lalo na
sa cyber-security, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Inianunsyo rin niya na mababawasan na ang backlog sa plaka ng sasakyan na umaabot sa
179,000 para sa mga kotse atbp., at 13.2 milyon para sa mga motorsiklo dahil ang LTO na
mismo ang gumagawa ng car plates.
Inaasahang malapit nang maabot ng LTO ang target na 10
araw, matapos magparehistro, para makuha ang bagong car o motorcycle plates.