HINILING ng isang mambabatas na pansamantalang suspindihin ang pagpapatupad ng SIM
Card Registration Act dahil sa pagdami ng cyberattacks laban sa data systems ng gobyerno.
Mandato ng batas sa publiko na kailangang i-rehistro ang SIM card para magamit ang serbisyo
ng mga telco. Kailangang ilagay ang personal na impormasyon ng registrant katulad ng
pangalan at address bago makarehistro.
Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel nitong Martes, “Matapos ang serye ng mga
data hack, hangga’t di naipapakita ng Marcos Jr. admin na kaya nitong tiyakin ang cybersecurity
ng ating bansa, hindi dapat ipagkatiwala rito ang anumang dagdag na data ng mamamayan.”
“Dapat mapalakas ang data protection mechanisms ng pamahalaan, at susi rito ang pagsuporta sa
ating homegrown IT specialists,” dagdag ni Manuel.
Nitong Lunes, Oktubre 16, na-hack ng “3musketeerz” ang website ng House of Representatives,
at naibalik lamang ito online, kinabukasan.
Samantala, pinalakas ng IT team ng Senado ang kanilang website security, matapos ang
insidente sa Kongreso, ito ay ayon kay Senate Secretary Renato Bantug Jr.
Nang nakaraang Setyembre, nakompormiso ang data ng PhilHealth o Philippine Health
Insurance Corporation, ng Medusa Ransomware group, at nakopya ang 700 gigabytes na
impormasyon at milyong mga pangalan at impormasyon ang nakuha. Humingi ng US$300,000
ransom ang hacker.
Ayon sa PhilHealth, mahigit 59 milyon ang kanilang miyembro na direkta at hindi direktang
nagbabayad ng kontribusyon.