SINABI ni Senador Francis Tolentino nitong Sabado na ang Gilas hero na si Justin Brownlee ay
nagnanais na maging isang Philippine army reservist.
Sa isang interview, sinabi ni Tolentino, “Si Justin Brownlee ay nangako na magiging reservist ng
Philippine Army, so magiging bahagi rin siya bilang kawal ng Pilipinas bilang isang reservist.”
Naniniwala si Tolentino – na isa ring reservist – na magiging isang malaking tulong si Brownlee sa
Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Matandaang si Tolentino ang nagsagawa ng oath-taking bilang Pilipino ni Brownlee noong Enero 16, 2023.
Si Brownlee ay isang dating US citizen, at naging import sa Philippine Basketball Association (PBA), bilang kapalit na import ng Barangay Ginebra. Siya ang may pinakamataas na puntos sa Gilas Pilipinas, na kung saan natalo natin ang Jordan, 70-60 at nakakuha ng gintong medalya sa Asian Games matapos ang 61 taon.
Samantala, tila namatayan ang team China nang tanggapin nito ang bronze medal sa basketball. Makikita sa nag-viral na video na puro malulungkot at nakasimangot ang mga player nito.
Kabaliktaran ito sa Jordan na masigla at kumakaway pa sa fans.
Nakatataba ng puso na dalawang matatangkad na Jordanian basketball players ang nagpunta sa dugout ng Gilas matapos ang laro at nanghingi ng jersey o t-shirt si Mohammad Hussien (na kaibigan ni Asi Taulava) mula sa isang Gilas player. Ipinakikita nito ang respeto at pahanga ng Jordanias sa ating team, hindi katulad ng China na pikon at iyakin.