14-Anyos na estudyante, Patay sa sampal

0

PATAY ang isang 14-anyos na estudyante ilang araw matapos itong naiulat na sinampal ng
kanyang Filipino teacher sa isang paaralan sa Antipolo City, kamakailan.


Sinabi ni Elena Minggoy, ina ng Grade 5 na estudyante na bago namatay ang kanyang anak ay
nagsuka muna ito at dumaing na sobrang sakit ang ulo nito, pati na mga mata at hindi halos
makarinig.


“Pagdating niya galing school nagsumbong siya sa akin, ‘mama mama sinampal ako ng
teacher,” saad ni Minggoy sa isang panayam sa TV.


Ayon sa inisyal na ulat, nasampal umano ang estudyante dahil sa maingay daw ito, pero giit ng
kanyang ina, hindi raw nag-iingay ang kanyang anak dahil sumasagot ito sa pagsusulit.


“Noong binalikan siya ni teacher, hinatak siya sa kuwelyo ng uniform tapos sinabunutan po.
Pagkatapos ng sabunot, sinampal po siya,” paglalahad ni Minggoy.

Sigurado raw si Minggoy na malakas ang sampal dahil hindi raw magsusumbong nang paulit-
ulit ang kanyang anak dahil masakit na nararamdaman, kung hindi ito malakas.


Tatlong araw pa nakapasok sa paaralan ang bata, pero nang nakauwi ito noong Setyembre 26,
bigla na lang daw itong nagsuka, nakaramdam nang pagkahilo at matinding pananakit ng ulo.


Dahil dito, dinala sa Amang Rodriguez Medical Center ang biktima at na-comatose ito. Hindi
na ito naka-recover hanggang sa mamatay dahil sa pagdurugo sa utak, ayon sa mga doktor.


Nauna pa rito, nagtungo sa paaralan si Minggoy para kausapin ang nasabing teacher pero hindi
siya napaunlakan ng principal.


Ayon sa teacher, tinapik lamang niya ito sa pisngi at hindi sinampal. Pero hindi naniniwala
ang mga kaanak ng biktima dahil sa tinamo nitong pinsala sa utak.


Inihahanda na ng Antipolo Police ang mga kasong homicide at paglabag sa RA 7610 o Anti-
Child Abuse Law laban sa guro.

About Author

Show comments

Exit mobile version