Helper kulong sa pagnanakaw ng imported na alak sa Malabon

0

Kulungan ang bagsak ng isang helper matapos magnakaw ng mga mamamahaling alak sa isang  convenience store sa Malabon City, kahapon ng umaga.

Nahaharap sa kasong Theft/Shoplifting ang naarestong suspek na si Jhon Dame Desaliza, 30-anyos, residente ng Blk 38 Lot 16 Alimasag Alley, Dagat-Dagatan, Brgy. 12, Caloocan City.

Base sa imbestigasyon nina PSSg Michael Oben at PSSg Rockymar Binayug, bandang 10:20 ng umaga nang pumasok ang suspek sa isang 7/11 Convenience Store sa Pampano St., Brgy. Longos at kumuha ng tatlong mamahalin at imported na alak saka umalis nang hindi binayaran.

Gayunman, napansin  ng manager na si Monette Fayloga, 35-anyos, kaya agad itong hinabol hanggang sa makorner ang suspek sa labas ng tindahan.

Kaagad humingi ng tulong si Fayloga sa pulisya na agad namang rumesponde sa lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nabawi sa kanya ang isang 1 liter Fundador Brandy, isang 750ml Evan Williams Whisky at isang 750ml Jack Daniels Whisky na may kabuuang halaga na Php3,639.00.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Malabon detention cell. 

About Author

Show comments

Exit mobile version