SINABI ni San Juan Mayor at Metro Manila Council President Francis Zamora na malapit nang
ipatupad ang single ticketing system sa mga lumalabag sa batas-trapiko sa Metro Manila.
“Last week, we had the Metro Manila Council meeting, and we are just waiting for the
finalization of the bond amount,” ayon kay Zamora.
Kailangan daw ang cash bond dahil ang mga paglabag ay papasok sa digital payment
platforms. Ito’y dahil hindi na babayaran sa nakasasakop na LGU ang penalty sa paglabag,
kundi sa isang digital platform na pwedeng magbayad kahit saang bahagi ng bansa, dagdag ni
Zamora.
Magiging standard na rin daw ang penalty o multa sa bawat paglabag ng isang motorista.
Hindi na rin kukumpiskahin ang lisensya nito o kailangang magpunta pa sa city hall para
magbayad, dahil pwede na sa GCash o iba pang e-wallets.
Sa ilalim ng single ticketing system, mayroon daw 20 standard traffic violations na may
magkakaparehong multa, pagtatapos ni Zamora. Makakatulong daw ito para sa episyenteng
pagdidisiplina ng mga pasaway na driver sa kalsada.