Kulungan ang bagsak ng dalawang drug user matapos bentahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa isinagawang buy bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala lang ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang mga naarestong suspek na sina alyas “Rocky Buang”, 44-anyos at alyas “Bugoy”, 30-anyos, kapwa residente ng Barangay NBBS Proper.
Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa pagbebenta ng shabu ni alyas Rocky Buang kaya isinailalim na agad nila ito sa validation.
Nang makumpirma ang tip, kaagad nagsagawa ang SDEU ng buy bust operation bandang 11:30 kamakalawa ng gabi sa Tanigue Extn., Brgy. NBBS, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang humigi’t kumulang 10.6 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P72,080.00, at isang P500 bill na ginamit bilang buy bust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.