Nasakote ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD)-Novaliches Police Station (PS 4) ang tatlong tulak matapos mahulihan ng bulto-bultong mga pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P1,080,000.00 sa ikinasang buy-bust operation, kamakalawa ng madaling araw sa Novaliches, Quezon City.
Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni QCPD Director, PBGEN Redrico Maranan mula sa Novaliches Police Station 4, nahuli ang tatlong suspek na sina Elton John Pangilinan, 24-anyos, Christian Paul San Jose, 27-anyos at Rhay Van Lumanog, 22-anyos, pawang mga residente ng Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City.
Ayon kay PLtCol. Jerry Castillo, hepe ng PS 4, nakatanggap sila ng report mula sa kanilang confidential informant kaugnay sa illegal na aktibidad ng mga suspek sa Brgy. Bagbag, Novaliches, kaya agad na isinagawa ang buy-bust operation katuwang ang PDEA-NCR bandang 3:30 ng madaling araw sa loob ng Masterkee Carwash na natagpuan sa kahabaan ng Quirino Highway., Brgy. Bagbag, Novaliches, matapos ang transaksyon ng isang pulis na umaktong buyer sa pagbili ng marijuana sa isa sa mga suspek.
Nang iabot na ang P35,000.00 halaga ng bibilhing marijuana ay agad nang nagbigay ng signal ang pulis at nalambat ang tatlong suspek.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang siyam na kilo ng marijuana na nagkakahalaga ng P1,080,00.00, isang cling wrap plastic bag,eco bag, cellphone, isang weighing scale, at buy-bust money.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek at sinampahan ng paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, pinarangalan ni PBGen. Maranan ang PS 4 sa pamumuno ni PLtCol. Castillo sa patuloy na pagsugpo laban sa illegal na droga na nagresulta ng pagkakahuli sa malaking suspek at halaga ng droga.
“This accomplishment is an indication of our commitment in fighting one of today’s most serious social ills. Ipagpatuloy lang natin ang masigasig na pagpapatupad laban sa kriminalidad lalo na ang illegal na droga upang maprotektahan ang mamamayan dito sa ating Lungsod,” ayon kay PBGen. Maranan.