Barko, eroplano ng smugglers, sasamsamin – Villar

0

SINABI ni Senador Cynthia Villar na magkakaroon na nang kapangyarihan ang gobyerno na
samsamin ang eroplano, barko, sasakyang panlupa, atbp., sakaling ang mga ito ay napatunayang
ginamit sa economic sabotage.


Ito ay gagawin ng gobyerno sakaling ang mga ito ay ginamit sa smuggling at hoarding ng mga
produktong agricultural, kapag naging isang ganap na batas ang Senate Bill No. 2432 o ang
Agricultural Economic Sabotage Act.


Bukod sa pagsamsam ng mga nabanggit na ari-arian, maglalapat din ang batas nang parusang
habambuhay na pagkabilanggo sa smugglers, hoarders, profiteers at nagka-kartel ng mga
produktong agrikultural.


Dahil sa lumalalang problema kaugnay ng economic sabotage, inindorso ng tatlong committee at
16 na senador ang SB No 2432.


Pasok sa panukala ang lahat ng mga ginamit sa economic sabotage, na nagbibigay kapangyarihan
sa gobyerno na samsamin ang eroplano, barko, trak at iba pang sasakyang panlupa, bodega,
kahon, sako, at lahat ng uri ng sisidlan.


Ang pagkakarga o pag-iingat ng mga produktong agrikultural ay maituturing na ebidensya ng
economic sabotage.


Plano ng gobyerno na ibenta ang mga nasamsam na items. Bahagi ng kikitain ay gagawing
insentibo sa mga impormante, operatiba, at abogado na uusig sa mga mahuhuling economic
saboteurs.

About Author

Show comments

Exit mobile version