NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian na kailangang ang mas mabigat na parusa laban sa
mga indibidwal na nagbebenta ng mga rehistradong SIM cards, na kalaunan ay ginagamit sa
scam at iba’t-ibang cybercrimes.
Ang panawagan ng senador ay kasunod nang ibinulgar ni National Bureau of Investigation (NBI)
Cybercrime Division Chief Jeremy Lotoc, na lantarang pagbibenta ng mga rehistradong SIM sa
social media.
Ibinalita rin ni Lotoc na sinubukan nilang magparehistro – sa pamamagitan ng hindi
pinangalanang mga operator ng telcos – ng SIM gamit ang larawan ng isang unggoy at naging
matagumpay ito. Ipinakikita nito na pwedeng malusutan ng mga kriminal ang bagong batas na
nag-uutos sa pagpaparehistro ng SIM para matukoy ang pagkakakilanlan ng may-ari.
Nabahala si Gatchalian sa pagdami ng mga kriminal na nagbebenta ng rehistradong SIM cards.
At kinalaunan ay nakaipon ang mga ito ng libu-libong SIM na ginagamit sa iba’t ibang
investment, cryptocurrency, at love scams. Maaaring ganito rin, ani Gatchalian, ang modus na
ginagawa ng ilang Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs.
“Ang pangunahing layunin ng batas ay ang pagpaparehistro ng SIM upang magkaroon ng
pananagutan ang may-ari nito at maaaring habulin ang rehistradong tao kung kinakailangan
dahil ang kawalan ng pagkakakilanlan ay lumilikha ng maraming problema,” ani ni Gatchalian.
Ang mga telcos ay dapat ding maglagay ng epektibong post-validation mechanism para
matukoy ang totoong datos ng isang SIM user.
“Dapat may post-validation kung hindi automatic. ‘Yung monkey example ay bastusan talaga.
Dapat mayroong pagpapatunay at matukoy natin kung sino ang mananagot para sa post-
validation na iyon. May kailangan tayong gawin. Kung wala tayong gagawin, paulit-ulit itong
mangyayari,” aniya pa.
Samantala, ayon sa National Telecommunications Commission (NTC), nakatanggap sila ng
45,697 na reklamo na may kaugnayan sa SIM cards. Hindi sinabi ng NTC kung anong petsa
ang sakop nito at kung ano-ano ang reklamo.