SA HALAGANG P1.4 milyon bawat unit, tila raw pang-milyonaryo ang presyo ng
Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4Ps) Housing program para sa mahihirap.
Kinuwestiyon ito ng dalawang kongresista dahil ang mass housing program ng gobyerno
ay umabot na sa P1.4 milyon, para lamang sa 24-square-meter na row house.
Hindi raw ito kakayanin ng informal settlers, lalo na ang pinakamahihirap nating
kababayan.
Sa budget hearing ng Kamara sa panukalang P5.4 bilyong budget ng Department of
Human Settlements and Urban Development (DHSUD) para sa 2024, nilinaw ni
Secretary Jose Rizalino Acuzar na umaabot na sa P60,000 per square meter ang
halaga ng bagong bahay. Suma total, ito ay umaabot P1.4 milyon para sa isang unit na
24-square meter.
Ayon kay ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, na mataas pa rin ang planong
P3,000 – P4,000 buwanang hulog sa bahay. Lalo raw mahihirapan ang mga
manggagawa sa labas ng Metro Manila dahil mas mababa ang minimum wage roon.
“Noong tinitingnan ko ang presyo ng pabahay, hindi ito pabahay para sa mahihirap eh.
Ang total contract price niyan is P1.4 million. Sa isang mahirap kakayanin ba ang P1.4
million?” tanong ni Castro.
Samantala, ayon kay Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, hindi makikinabang ang
mga mahihirap sa 4Ps, kundi ang middle class.
“(Sa)Tingin ko ‘yung middle class kaya eh, lalo na meron ‘yung nabanggit ninyong
subsidy. Pero ‘yung poorest of the poor and informal sector, hindi talaga makikinabang
sa ganitong programa,” pagdiriin ni Brosas.
Target ng DHSUD sa 2028 na makalikha ng anim na milyong pabahay sa loob ng
termino ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.