Nalambat ang dalawa katao matapos mahulihan ng shabu habang papatakas na sana sa pagsusugal ng cara y cruz sa sementeryo na kung saan ginagawa ang ‘pustang shabu’, kahapon sa Sarhento Mariano Cemetery sa Pasay City.
Ayon sa report ng Pasay Sub Station 5, nagpapatrulya ang kanilang team nang may nagbigay ng tip na may nagsusugal sa sementeryo at shabu ang tayaan.
Agad silang nagresponde at sinuyod ang looban ng sementeryo at naaktuhan ang grupo na nagka-cara y cruz at mabilis na nagkalasan ng makita ang paparating na pulis.
Nagkaroon ng habulan sa pagitan ng mga tumataya at pulis at nalambat ang dalawang suspek na sina Jerome Manzano, 24-anyos, e-trike driver at Analyn Ange, 37-anyos, vendor, kapwe residente ng Pasay City.
Nang kapkapan ang dalawa ay nakita ng apat na plastic sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 55.36 gram at may market value na P304,480.00.
Nakumpiska rin ang P300 na pantaya sa sugal at tatlong P1.00 na ginamit sa cara y cruz.
Kinasuhan ang dalawang suspect sa paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o Illegal Possession of Dangerous Drugs at paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling.
Kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa Pasay custodial facility.