UMALMA si Nellie Barrios sa naging resulta sa isinagawang search warrant operation ng Passi City PNP sa kanilang bahay noong Agosto 12, 2023 pasado alas-4 ng madaling araw sa Brgy. Agtabo ng nasabing lungsod sa lalawigan ng Iloilo.
Aniya, imposibleng sa kanila di-umano ang nakuhang mga aramas at bala dahil ang tanging baril na mayroon sila ay ang service firearm ng kaniyang mister na si Jeffrey Barrios dahil ito ay aktibong miyembro ng Philippine Army at ito’y palagi niyang dinadala.
Planted umano ang nasabing mga armas ganun din ang nakuha sa bahay ni Neptalie, kapatid ni Jeffrey, na nakatira malapit lang sa kanilang bahay sa nabanggit na barangay.
Tanong ni Nellie, bakit umabot pa sa halos tatlong oras mula ng dumating ang mga pulis hanggang sa mag-uumaga na nang ipakita at basahin sa kanila ang nasabing search warrant.
Labas-masok di-umano ang mga pulis sa kanilang bahay sa loob ng mahabang oras bago ipatawag at dumating ang barangay chairman at saka pa lamang pormal na sinimulan ang paghahalughog.
Natural lang aniya na pagdudahan ang aksyon na ito ng Passi City PNP dahil hinihingi na niya mismo kay PLt.Col. Aron Palomo, chief of police ng Passi City, ang nasabing warrant nang dumating ang mga ito pasado alas-4 pa lamang.
Dagdag pa ng ginang, nawawala rin umano ang kanilang pera na nagkakahalaga ng ₱135,000 na pinagbentahan niya ng mga baboy maliban pa sa ipon niya sa sahod ng kaniyang asawa.
Wala umano silang puwedeng pagbentangan kundi ang umakyat na kasamahan ng Passi PNP na nakasuot sibilyan dahil ito lang umano ang nakita nila sa CCTV na umakyat sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.
Malaki aniya ang posibilidad na ito ang nagtanim ng armas, bala at kumuha ng kanilang pera.
Malaki aniya ang posibilidad na ito ang nagtanim ng armas, bala at kumuha ng kanilang pera.
Samantala, todo depensa naman ang Iloilo Police Provincial Office (IPPO) sa nasabing alegasyon ng pamilya Barrios dahil matibay anila ang kanilang ebidensya nang mahulihan ng mga aramas at bala si Neptalie Barrios sa bahay nito noong Agosto 12 at naaresto.
Ayon kay PCol. Ronaldo Palomo, hepe ng IPPO, mahirap di-umano na taniman nila ng ganun kadaming armas si Neptalie dahil mahirap aniya ito dalhin.
Narekober ng Special Operations Group ang dalawang .38 revolver, isang .9mm pistol, isang riffle sub-machine gun, isang granada, mga bala at magazine.
Ikinasa ang nasabing operasyon matapos ang nangyaring pamamaril sa bahay ng mag-asawang Bryan at Ledylie Gonzales sa Barangay Braulan, San Enrique Iloilo dakong alas-2:30 ng madaling araw noong Hulyo 30.
Ayon sa imbestigasyon, dalawang lalaki di-umano na sakay ng motorsiklo ang huminto sa bahay ng mga Gonzales at pinaulanan ng bala at nasugatan ang anak ng mag-asawa na sina Jan-jan, 13 at pinsan nitong si Joy Paturara, 22.
Mariin namang pinabulaanan ni Jeffrey Barrios ang paratang na sila umano ng kaniyang kapatid na si Neptalie ang nagpaulan ng bala sa bahay ng mga Gonzales dahil naka-duty umano siya bilang sundalo nang mangyari ang nasabing pamamaril.
Ayon pa kay Jeffrey, matagal na umano at kinalimutan na nilang magkapatid ang nangyaring pagpatay ng pamilyang Gonzales sa kanilang ama dahil maliliit pa umano sila noon at ang alam nila ang nagkaayos na ang dalawang pamilya.
Inihahanda na sa kasalukuyan ng pamilyang Barrios sa tulong ng kanilang abogado, ang kasong isasampa nila sa Ombudsman laban sa mga operatiba ng Passi City PNP.