NALAMBAT ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Marikina City Police ang tatlo katao na sangkot sa pagbebenta ng illegal na droga at makuhanan ng aabot sa 80 gramo ng shabu na aabot sa mahigit kalahating milyong piso sa ikinasang buy bust operation kamakalawa ng madaling araw sa Barangay Nangka, Marikina City.
Nakilala ang mga naarestong suspek bilang High-Value Individuals (HVI) na sina Marcelo Grande, Jr, 39-anyos, Fatima Pastores, 35-anyos at Bainot Mangulamas, 33-anyos pawang mga residente ng nasabing siyudad.
Inaresto ang tatlong suspek ng mga tauhan ng SDEU na nagsagawa ng buy bust operation bandang 1:10 Huwebes ng madaling araw sa kahabaan ng Jaybee St., Brgy. Nangka, Marikina City.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 10 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu na tumitimbang ng 80 gramo at nagkakahalaga ng P544,000.00, isang knot-tied transparent plastic bag, coin purse, pouch, isang unit ng motorcycle Rusi 125 na may plakang 4850UA, P500 bill recovered buy-bust money at tatlong P100 bill confiscated money.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Marikina custodial facility habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165.