WOW wow win!
Ito ang naging resulta ng kaso ng TV host na si Willie Revillame nang ibasura ng Korte Suprema (KS) ang mga kasong inihain ng ABS-CBN Network laban sa kanya.
Sa 22-pahinang desisyon ni Justice Maria Filomena D. Singh ibinasura nito ang Petitions for Review ng ABS-CBN.
Nag-ugat ang sigalot ni Willie at ng network noong 2010 nang hilingin nito na tanggalin si Jobert Sucaldito sa The Buzz at DZMM Teleradyo, dahil sa patuloy pambabatikos sa kanya.
Hindi pinagbigyan ng ABS-CBN ang hiling ni Willie kaya mula Mayo 5, 2010, hindi na nito sinipot ang Wowwowin program.
Noong Mayo 24, 2010, hiniling ni Willie na kanselahin na ang nalalabing isa’t kalahating taon sa kanyang kontrata sa network. Ibinasura ito ng network at sinuspindi siya ng tatlong buwan.
Noong Agosto 23, 2010, kinasuhan ni Willie ang ABS-CBN na humihiling na kanselahin ang kanyang kontrata at pagbayarin ito ng danyos-perhuwisyo.
Noong Oktubre 4, 2010, nag-file ang ABS-CBN ng temporary restraining order at injunction laban sa bagong programa ni Willie na Willing Wilie sa TV5 at humiling nang mahigit sa P1.3 bilyon na danyos.
Hindi ito pinakinggan RTC-Quezon City, kinalaunan, ng Court of Appeals, at nang huli, dinismis ng KS dahil sa “forum shopping” o pagpa-file ng magkaparehong kaso sa dalawang korte.