PH-China exchange program, mananatili?

0

IPINAHAYAG ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pag-aaralan muna nila kung
kakanselahin ang kasunduan sa pagitan ng China at bansa tungkol sa pag-aaral ng mga
opisyal ng AFP sa Chinese military academy.


Sinabi ni AFP chief, Gen. Romeo Brawner Jr. sa isang press conference sa Puerto Princesa,
na iginagalang ng military ang opinyon ng ilang mambabatas tungkol sa panganib nito sa
seguridad sa West Philippine Sea (WPS).


Ayon pa kay Brawner, magmula raw 2004, nagpapadala na tayo ng mga estudyante sa China.
Pinagagawa raw sila ng report pagkabalik nila para mapag-aralan kung kailangan pang ituloy
ang programa.


Ayon sa report ng mga estudyante, inirekomenda nila ang pagpapatuloy ng Philippine-China
military program.


Nilinaw ni Brawner na wala tayong kadete sa China, nagpapadala lamang sa U.S., Australia,
Japan at South Korea. Sa ngayon, mayroon daw 45 na Pilipinong kadete ang nag-aaral sa
abroad, pero hindi sa China.


Natututo raw tayo sa pagpapadala ng opisyal at enlisted personnel sa China. Pagbalik nila,
itinuturo nila ang pinakamahusay na (military) practice na pwede nating gamitin.


Ayon sa ilang observers, hindi raw pwedeng magturo ng “the best military strategies” ang
isang kalaban. Tila ginagamit diumano ng China ang exchange program para mag-recruit ng
espiya mula sa Pilipinas, para makakuha ng vital intelligence data.


Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat pauwiin na ang ating mga opisyal na
nag-aaral sa China. Dapat natin silang ipadala sa Australia, U.S., o kahit sa alinmang bansa
sa European Union, at hindi raw sa isang bansa na patuloy na kumakalaban sa atin.

About Author

Show comments

Exit mobile version