NAALARMA ang ilang mambabatas sa report na ilang kadeteng Pilipino ang nagtapos sa
isang Chinese military academy, sa harap nang patuloy na pambu-bully ng Chinese Coast
Guard sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ibinangon ni Senador Francis Tolentino ang isyu sa pagdinig ng Commission on Appointments
sa Senado noong Lunes.
Napansin ni Tolentino na sa mga dokumento ng ilang Pilipinong opisyal ng militar ay
nakasulat na “graduate of Beijing Military Academy”. Sinabi niya na hindi siya sigurado ang
eksaktong pangalan ng akademya.
Ayon pa kay Tolentino, tumigil na raw tayo sa pagtanggap ng mga kadete (sa Philippine
Military Academy) mula sa United States magmula noong 2008. Ngayon, ipinadadala naman
natin ang ating mga kadete sa “Beijing Military Academy”.
Ayon kay Defense Senior USec. Irineo Espino, narinig na raw niya ito, pero kailangang
malaman niya ang dahilan kung bakit tayo nagpapadala ng mga kadete sa China.
Makalipas ang ilang sandali, binasa ni Espino ang isang ipinadalang mensahe na nagsasabing
iyon lang Command and General Staff Course (CGSC) at Master in National Security
Administration (MNSA) ng mga opisyal ng AFP sa China.
Wala pa raw kumpirmasyon kung mayroong Pilipinong kadete na nag-aral sa China.
“This is very alarming… Alam na pala ninyo bakit ‘di ninyo pa ‘pinatitigil? Sampal ito sa atin,”
saad ni Sen. Raffy Tulfo.
“Can we put a stop to it, break right away? Marami pa namang ibang academy pwedeng
padalhan bakit sa Beijing pa, na kung saan they are perceived as enemy,” dugtong pa ni Tulfo.
Sinabi ng isang political analyst na bakit natin pinag-aaral ang ating military officials sa
eskwelahan ng isang kalaban? Tuturuan kaya nila tayo kung paano natin sila tatalunin kung
sakaling magkaroon ng labanan?
Idinagdag pa niya na dahil dito, labis na manganganib ang ating seguridad. Kamakailan,
dalawang sundalong Amerikano na may Chinese descent ang inakusahan ng espionage dahil
sa pagbebenta ng mga sensitibong impormasyon sa China. Ipinakikita raw nito na mas
malakas ang impluensya ng pera kaysa nasyonalismo, na pwedeng mangyari kahit na sa
pinakamalakas na military sa buong mundo.