MAGKAKAROON nang agarang pagdinig sa Senado tungkol sa matindi at patuloy na
pagbaha sa maraming lalawigan dahil sa pananalasa ng bagyong Egay.
Ito ang pahayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva. Idinagdag pa niya na may basbas
ito ng Pangulo at mayroon daw makakasuhan dahil sa naging kapabayaan dito.
Ang pagdinig ay magbibigay-daan para sa nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na
maitatag ang Department of Water Resources Management.
Hihimayin din ang P183 bilyon na 2023 flood control projects (FCP) ng Department of Public
Works and Highways (DPWH) pati na ang detalye ng alokasyon sa FCP ng ahensya sa 2024
na nadagdagan pa ng P215.6 bilyon o 17.8 percent.
Hihingan nang paliwanag ang National Irrigation Administration (NIA) para linawin ang protocol
sa pagpapakawala ng tubig sa mga dam, na isa sa mga naging sanhi ng malawakang
pagbaha sa Central Luzon.
Hihingi rin ng updates sa status ng Central Luzon Integrated Master Plan at MMDA Master
Plan laban sa baha.
Samantala, hiniling ng ilang mga taga Cainta at Marikina City na para sa NCR, mas mabilis
kung muling bubuhayin o ire-revive ang 2010 Flood Control Program ng noo’y Pangulong
Gloria Macapagal-Arroyo na kinansela ni dating Pangulong Noynoy Aquino, kahit na
sinertipikahan ito ni Belgian Prime Minister Yves Leterme na lehitimo ito at walang
korapsyon.
Ayon sa research ng Brabo News, tatlong taong pinag-aralan ang P18.7 bilyong proyekto at
tumanggap pa ng P7 bilyong grant mula sa gobyerno ng Belgium, kaya mas pratikal at
napapanahon na buhayin ito.
Ang proyekto ay gagawin dapat ng 150-year-old Belgian dredging firm Baagerwerken Decloedt En Zoon.