BUMABA ang bilang ng mga bagong kaso ng Covid-19 sa 4,281 katao, magmula Hunyo 12-18, ayon sa Department of Health (DoH) noong Lunes.
Batay sa lingguhang bulletin ng DoH, ang average na bilang ng impeksyon ay 612, bumaba ng 35 percent mula sa bilang noong nakaraang linggo. Sa mga bagong kaso, 57 ang nasa malubha o kritikal na kondisyon.
May kabuuang 477 na malubhang kaso ng Covid-19 ang nasa mga ospital, katumbas ng 10.6 percent ng kabuuang bilang ng mga naospital sa bansa.
Ngayong Hunyo 19 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng Covid-19 magmula noong 2020 ay umabot sa mahigit 4.1 milyon. Sa bilang na ito, 4.08 milyon ang gumaling at 66,482 ang namatay.
Mahigit 78 milyong katao ang nabakunahan kontra Covi-19 o 100.44 percent ng kabuuang target na bilang, samantalang 23 milyon ang nabigyan ng booster shots.
Samantala, 7.1 milyong senior citizens, o 82.16 percent ng target na bilang ang nabakunahan ng mga paunang dosis.