SINABI NG Department of Migrant Workers (DMW) noong Biyernes na ang deployment ng Overseas Filipino Workers (OFW) ay lalagpas sa 1.2 milyon, ang bilang ng mga umalis noong 2022.
Ayon kay DMW Sec. Toots Ople tinataya raw na malalampasan ang bilang ng mga bagong OFWs at rehire o balik-trabaho pati na rin ang bilang ng mga mandaragat o seafarers.
Magmula Enero hanggang Abril sa taong ito, umabot sa halos 800,000 ang bilang ng land-based at sea-based OFWs na nai-deploy sa ibayong dagat.
Aniya pa, in-demand ngayon ang maraming trabaho sa sektor ng kalusugan, construction, at hotel and restaurant management lalo na sa Saudi Arabia at Croatia.
Ito ay bukod pa raw sa tumataas na demand sa United Arab Emirates, Canada, at iba pang bansa na nangangailangan ng medical professionals.