LABINGSIYAM na mga kabataan na kabilang sa sektor ng maralitang tagalungsod sa bansa ang nakinabang sa government internship program (GIP) ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang mga kabataan ay sumailalim sa orientation na inorganisa ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) na ginanap noong Abril 18 sa punong tanggapan nito sa Quezon City.
Ang nasabing programa ay nagbibigay ng tatlo hanggang anim (3-6) na buwan na internship sa mga nagtapos ng high school, technical-vocational, o kolehiyo na nais magkaroon ng karanasan sa paglilingkod sa mamamayan sa mga opisina ng pamahalaan.
Bago nito, nagkaroon muna ng serye ng pag-uusap sa pagitan ng dalawang ahensya sa pangunguna ni PCUP Chairperson at CEO na si Undersecretary Elpidio R. Jordan, Jr. at DOLE Regional Operations Assistant Secretary Dominique Rubia-Tutay at Labor Employment Officer Erickson Mag-isa tungkol sa kung paano magkakaroon ng mas malawak na access sa kabuhayan at oportunidad sa trabaho ang mga urban poor organizations.
Sinundan ito ng isang talakayan sa pagitan ni PCUP Supervising Commissioner for NCR Hon. Reynaldo P. Galupo, kasama si DOLE Bureau of Workers with Special Concerns Executive Director Ahmma Charisma Lobrin-Satumba, upang pag-usapan kung papaano ipapatupad ang GIP.
Samantala, nagbigay rin ng maikling mensahe ng suporta at inspirasyon para sa mga interns sina PCUP Executive Assistant Ms. Evita Pearl Jamon at Commissioner Galupo na pinahalagahan naman ng mga estudyante.
Sinabi ni Usec. Jordan na mahalagang magkaroon ng pagkakataon ang mga kabataan na maglingkod sa pamahalaan kahit sa maikling panahon lamang upang maintindihan nila ang kahalagahan ng paglilingkod sa bayan at matulungan sila sa kanilang kabuhayan bilang suporta na rin sa mas maunlad na Pilipinas na adyenda ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Maliban dito, nais din ni Commissioner Galupo na maihatid ang TUPAD program ng DOLE para sa mga benepisyaryo na akreditado ng komisyon upang matulungan silang makabangon sa mga epekto ng COVID-19 pandemic.