DALAWA katao na muntikan nang malunod ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Red Cross (PRC), Abril 9 sa kasagsagan ng Semana Santa habang naliligo ang mga ito.
Nailigtas ang isang 15 anyos na dalagita habang naliligo sa Wawa Dam sa Barangay San Rafael sa Montalban Rizal at isa ring lalaki ang nailigtas habang naliligo sa isang resort sa Panglao Bohol.
Kaagad na rumesponde ang Emergency Medical Services ng Red Cross sa lalawigan ng Rizal gayundin ang Bohol chapter nito, upang magbigay ng pangunang lunas sa nasabing mga indibiduwal.
Kalakip sa isinagawang pagtulong ng mga medical personnel sa mga pasyente ay ang pagbutas sa daanan ng hangin at pagsikap na magka-malay muli sa isa pa.
Pinapurihan naman ng Chairman ng Philippine Red Cross na si former senator Richard “Dick” Gordon ang mga medical personnel sa maagap na pag-responde ng mga ito at binigyang-diin ang kahalagahan at nagliligtas-buhay na pamamaraan gamit ang angkop na mga kagamitan at pagsasanay sa kahalintulad na mga situwasyong pang-emergency.
“Nagpapaalala ito sa atin na napakahalaga ng papel na ginagampanan natin sa pagliligtas ng buhay at pag-ibayuhin pa natin na ipaalam sa komunidad ang public safety. Pinupuri natin ang ating mga kasama sa Rizal at Bohol Chapters sa kanilang ipinakitang kabayanihan dahil sa agarang pagresponde sa mga emergency at pagligtas ng buhay,” ang pahayag ni Gordon.
Batay sa datus ngayong Abril 10, 2023, ang mga Emergency Medical Services volunteers and staff ng Red Cross ay nakapag-assist na sa 5,234 indibiduwal na natulungan sa kanilang blood pressure dahil sa pagkahilo, sugat, gasgas, kawalan ng malay, natinik ng sea orchin, kinagat ng bubuyog, nahihirapan sa paghinga, pananakit ng dibdib at nabulunan.