KINONDENA ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kumakalat sa social media tungkol sa maling balita sa mga di-umanoy insidente ng nakawan sa Quezon City na kinabibilangan ng isang Japanese restaurant, kilalang coffee shop at Chinese restaurant.
Sa inilabas na pahayag ngayong araw ni NCRPO chief Maj. Gen. Edgar Alan Okubo, sinabi nito na kaagad silang rumesponde batay sa social media post ngunit lumalabas na mali at fake news ang nasabing mga impormasyon.
“Pakisuyong bigyang pansin na siniseryoso ng NCRPO ang lahat ng mga imposmasyong natatanggap at agad na nirerespondehan ito. Kaagad kaming nag-imbestiga at bilang resulta, lumalabas na mali at mapanlinlang ang mga impormasyon na kumakalat sa social media,” ang pahayag ni Okubo.
Ayon pa sa heneral, ang insidente ng nakawan na tinutukoy sa nasabing social media post sa isang Japanese restaurant ay nangyari apat na taon na ang nakalipas kung saan kaagad na naghigpit sa seguridad ang nasabing istablisimento, at wala nang may naiulat na gayong pangyayari.
Ang tungkol naman sa isang sikat na coffee shop at Chinese restaurant ay natuklasang walang basehan at hindi totoo, ayon pa kay Okubo.
“Pinapayuhan natin ang publiko na sana’y maging responsible naman sa pagsi-share ng mga impormasyon,” giit pa ng NCRPO chief.
Idinagdag pa ng heneral na maaari aniyang magresulta sa kasiraan at alarma ang pagbabahagi ng maling impormasyon lalo pa’t mabilis itong kumalat sa social media at kaagad na pinaniniwalaan ng makakabasa at kaagad din itong isini-share.
“Kaya hinihimok namin ang publiko na suriin munang mabuti ang natanggap na impormasyon bago ito i-share sa iba. Gayundin doon sa mga indibiduwal na nagpapasimula at pagpapakalat ng maling balita o impormasyon, itigil na natin ito dahil magdudulot lang ito ng pagkalito at alarma sa komunidad,” pagtatapos ni Okubo.
Nakikipag-ugnayan na sa ngayon ang NCRPO sa Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP) upang tugisin ang mga indibiduwal o grupo na nagpakalat ng nasabing maling impormasyon sa social media.