INIHAYAG ni Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes na aprubado na ang karagdagang ₱1,000 para sa social pension ng higit 4 na milyong senior citizen sa buong bansa.
Kinumpirma na rin ito ng bagong talaga na Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na si dating Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, ang karagdagang ₱25.6 bilyon na kailangan para doblehin ang magiging halaga ng buwanang pension ay kukunin mula sa “unprogrammed funds” ng departamento.
Ikinatuwa naman ito ni Congressman Ordanes at sinabing nagbunga na rin ang kanilang mga pagsisikap upang mula 500 piso ay magiging 1,000 piso na ang social pension ng mga senior citizen.
“Tulad ng inaasahan natin ilang buwan pa lamang ang nakakalipas, ang karagdagang pondo na ₱25.6 bilyon para sa ₱500 increase ng social pension fund ay kukunin sa 2023 unprogrammed funds. Personal na kinumpirma sa atin ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang bagay na ito,” ang pahayag ni Ordanes.
Idinagdag pa ng mambabatas na hinihintay na lang ni Secretary Gatchalian ang implementing rules and regulations (IRR) na magmumula sa National Commission of Senior Citizens (NCSC), at na sinisimulan na di-umano ng nasabing komisyon sa pangunguna ni Chairman Franklin Quijano.
“Yon na lang ang kailangan natin, ang IRR mula sa NCSC nang sa gayon ay matatanggap na ng ating mga indigent senior citizen ang karagdagang pension na matagal na rin nilang hinihintay,” dagdag pa ni Ordanes.
Ipinagmamalaki ring sinabi ni Congressman Ordanes na batay sa huling survey na isinagawa ng RP-Mission and Development Foundation, Inc. (RPMD) para sa mga high performance rating sa House of Representatives, nasa Top 10 ang Senior Citizens Partylist.
Nangunguna ang Tingog Partylist, ikalawa ang ACT-CIS Partylist, sinundan ito ng Agimat Partylist, PBA Partylist, 4Ps Partylist, 1-Rider Partylist, Ako Bikol Partylist, Bagong Henerasyon Partylist (BH), Sagip Partylist at ang Senior Citizen Partylist bilang ika-sampu.