PANSAMANTALANG sinuspendi ang face-to-face classes sa mga eskuwelahan sa mga bayan ng Placer, Dimasalang, Uson, Cataingan at Cawayan dahil sa naganap na mga sagupaan ng militar laban sa New People’s Army (NPA).
Sa isang press conference, sinabi ni Director Gilbert Sadsad ng Department of Education sa Bicol Region (DepEd-5) na pansamantala nilang ipinasara hangga’t hindi pa magiging normal ang situwasyon.
Iniulat ng 9th Infantry Division ng Philippine Army na patay si Corporal Antonio Parreño, Jr. sa isang engkuwentro noong Lunes dakong alas-10:30 ng umaga sa Villahermosa National High School.
Inihayag din ni Mayor Felipe Cabataña ng bayan ng Cataingan, na nag-isyu rin siya ng suspension ng klase sa kaniyang bayan dahil sa posibilidad na maaapektuhan din sila sapagkat magkakalapit-bayan lamang sila.
Batay sa nasabing memorandum, inatasan ng alkalde “ang lahat ng punong-guro at punong barangay na gawin ang kinakailangang mga pag-iingat upang hindi madamay sa insidente ng sagupaan na makakaapekto sa mga estudyante at sibilyan.”
Sinabi naman ni Director Sadsad na nagbigay na siya ng instruksyon sa DepEd Masbate na isailalim sa debfriefing at psychological first aid intervention ang mga apektadong mag-aaral na nakadama ng takot bunsod ng naranasan nilang engkuwentro ng magkabilang panig.
“Dahil sa suspendido ang klase, ibig sabihin lamang nito na bibigyan namin ang mga estudyante ng self-learning modules (SLM) at yon ay kailangan nilang pag-aralan at sagutan,” dagdag pa ni Sadsad.
Sunod-sunod na engkuwentro ang nangyari sa nasabing mga bayan nitong linggo lamang, ayon kay Maj. Frank Roldan, hepe ng 9th Infantry Division Public Affairs Office (DPAO).
Sugatan ang dalawang sundalo matapos makipagbakbakan ang mga ito sa 11 miymbro ng NPA sa Barangay Locso-an sa bayan ng Placer. Sila ay sina Private First Class PFC Mardie J. Lumapag at Private Angelito G. Tabanao.
Nasugatan din sina Police Staff Sergeant Leo P. Almario II at Patrolman Jasper R. Gigante ng Dimasalang Police Station, matapos tambangan ng mga rebelde habang nagpapatrolya ang mga ito sa Purok 2, Barangay Gaid sa bayan ng Dimasalang.
“Kaagad na nagsagawa ng hot pursuit at follow up operations ang Provincial Mobile Force Company matapos ang nasabing mga insidente,” ayon naman kay Lt. Col. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office-Bicol (PRO5).