SIYAM na barangay ng Maynila ang pinagkalooban ng mga solid waste management tools ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasabay sa pagpapasinaya ng ahensiya ng bago nitong warehouse sa Taguig City kaugnay pa rin sa solid waste management.
Ang ‘Labasan Warehouse’ na matatagpuan sa Labasan Pumping Station ay magsisilbing holding area at imabakan ng solid waste management tools at equipment. Ito ay bahagi pa rin ng Metro Manila Flood Management Project (MMFMP) Phase 1.
Ayon kay MMDA General Manager Usec. Procopio Lipana, gagawing simple ang mga proseso ng solid waste management collection gamit ang bagong warehouse.
“Sa pagtatayo natin nitong Labasan Warehouse, ang mga barangay na ito ay makakaasa na ang mga kagamitang ukol sa solid waste management ay maiingatan bago ito ipamahagi,” sabi ni Lipana sa araw ng pagpapasinaya.
Kalakip sa nasabing warehouse ang magiging opisina, quarters at storage room para sa Materials Recovery Facility (MMRF) sa ilalim ng “Recyclables Mo, Palit Grocery Ko” na proyekto ng ahensiya.
Samantala, ipinamahagi ang nasabing mga solid waste management tools sa mga kinatawan ng Barangays 51, 52, 55, 56, 58, 60, 61, at 137 ng Tondo gayundin ang Barangay 137 sa Paco, Manila.
“Kasama sa probisyon ng mga tools at equipment na ito ay upang suportahan ang pagpapatupad ng mga programa para hindi na umabot pa sa mga pumping stations ang mga solid wastes at hinihikayat namin ang komunidad na makilahok sa anumang aktibidad ukol dito,” dagdag pa ni Lipana.