INANUNSYO ngayong araw ng lokal na pamahalaang lungsod ng Pasig na suspendido ang lahat ng face-to-face classes bunsod ng nakaambang transportation strike sa Marso 6.
Sa kabila nito, inihayag din ng Pasig Public Information Office na maglalaan ang lokal na pamahalaan ng libreng sakay sa mga pangunahing lansangan gamit ang mga bus na pag-aari ng lunsod.
Inaasahan na aabot sa isang linggo ang bantang strike ng transport sector upang ipaabot sa pamahalaang nasyonal ang kanilang mariing pagtutol sa public utility vehicles (PUV) modernization program.
Aabot di-umano sa 40,000 PUV drivers sa Metro Manila ang nagpahayag na sasali sa transport strike bilang suporta.
Bago nito, inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kahilingang extension ng transport sector na huwag munang ipatupad ang nasabing programa na na-iskedyul ngayong buwan ng Abril.
Sinabi ng mga opisyal ng LTFRB na ipapatupad nila ang phase out ng traditional jeepney sa Desiyembre 31 na.
Batay sa PIO, ito ang mga ruta kung saan makikinabang sa libreng sakay ang mga papasok sa kanilang trabaho at mga residente na kailangang bumiyahe:
- Pasig Mega Market patungong Shaw Boulevard (vice versa)
- Pasig Mega Market patungong Ligaya na dadaan sa Dr. Sixto Antonio Avenue (vice versa)
- Pasig Mega Market patungong Kalawaan patungong San Joaquin at pabalik ng Market
- Pasig Mega Market patungong Ligaya na dadaan sa C. Raymundo Avenue (vice versa)
- Pasig Mega Market patungong Dr. Sixto Antonio Avenue patungong Rosario patungong C. Raymundo Avenue pabalik ng Mega Market
Ang nasabing libreng sakay ay mula alas-5 ng umaga hanggang alas-10 ng umaga, alas-11 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali, at alas-3 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi.
Sa kabila nito, sinabi ng Department of Education (DepEd) na hindi sila magdedeklara ng class suspension bunsod ng transport strike sa susunod na linggo ngunit binibigyang laya nito ang mga lokal na pamahalaan kung magsususpende o hindi ng klase.
Sinabi ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng DepEd, na hinihikayat nila ang mga mag-aaral na gamitin ang nakalatag na alternatibong mga pamamaraan na ginamit sa panahon ng pandemya.