Angeles: Problema sa koleksyon ng basura, 3 araw tapos na

0
Sa ekslusibong panayam ng PasigNewsToday (ngayo’y BRABO News Pasig) kay Angeles, sinabi nitong nagsisimula na sa pangongolekta ng basura ang lokal na pamahalaan ng Pasig gamit ang mga bagong mga truck sa pangongolekta ng basura.

SA loob ng tatlong araw ay makokolekta na ang ilan pang natitirang tambak na basura sa iba’t ibang lugar sa lungsod ayon kay Pasig City Solid Waste Management Chief Allen Angeles.

Sa ekslusibong panayam ng PasigNewsToday (ngayo’y BRABO News Pasig) kay Angeles, sinabi nitong nagsisimula na sa pangongolekta ng basura ang lokal na pamahalaan ng Pasig gamit ang mga bagong mga truck sa pangongolekta ng basura.

Ngunit humingi ng pang-unawa si Angeles na hindi agad makokolekta ang lahat ng basura sa Pasig dahil maliban sa napakadaming basura, napakalaki rin ng buong Pasig.

Maliban sa kakulangan ng manpower ng bagong kontraktor na MetroWaste, hindi pa nila kabisado ang pasikot-sikot na daanan sa bawat barangay.

Hindi rin aniya angkop ang dala-dalang truck ng basura dahil makikitid lamang ang daanan ngunit hindi makapasok ang truck dahil malaki ito kung kaya naipagpapaliban ang pangongulekta. 

Ayon pa kay Angeles, sa kasalukuyan, mayroon lamang 700 trabahador ang MetroWaste, mas kaunti ng ilang daan kumpara sa dating kontraktor na IPM Waste Management.

Bukod umano sa hindi inaasahang dami ng basura noong kapaskuhan ay sumabay din ang random drug testing ng mga tauhan ng MetroWaste kaya nagkaroon ng mabagal na pag-kolekta sa basura.

Sinabi ni Angeles na isa sa pangunahing requirement ng city government na ang mga kolektor ng basura ay hindi gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Umabot din di-umano sa mahigit 10% ng kanilang trabahador ang nagpositibo sa COVID-19 na  naging dahilan upang mabawasan ang normal na bilang ng mga kumokolekta ng basura.

Dagdag pa sa naging kabawasan sa manpower ay ang naging problema nito sa pagpapasahod at sa 13th month pay ng mga tauhan nito.

Giit pa ni Angeles, maaaring hindi inaasahan ng MetroWaste ang malaking volume ng basura na kanilang kokolektahin lalo na ang hindi inaasahang dami ng basura sa kapaskuhan.

Ngunit ayon kay Angeles, dapat aniyang inasahan na ito ng kontratista dahil alam mo dapat kung ano ang detalye ng pinasukan mong kontrata.

“Papatawan namin sila ng mga penalties sa pangyayaring ito dahil sa mga paglabag sa kontrata at kasali na ang kasalukuyang dilemma na kinakaharap ng mga Pasigueño,” saad pa ni Angeles.

Lininaw din niya na hindi dapat isisi sa mga kapitan ng barangay ang nagyaring problema sa basura dahil naka-kontrata umano ang mga dump trucks sa city government ng Pasig.

Inaasahan naman na mas malaking volume ng basura ang makokolekta sa darating na katapusan ng Disyembre dahil sa mga nagkalat na papel ng mga paputok o mga fireworks, at ilang bagay na maaaring itapon dala ng mga pamahiin ng ilang residente.

About Author

Show comments

Exit mobile version