NANAWAGAN ang Mega Market 3rd Floor Vendor’s Association sa Local Government Unit (LGU) ng Pasig City na muling payagan ang Friday ‘Night Market’ sa Palengke ng Pasig.
Ayon sa presidente ng asosasyon na si Martina Lobrigo Reyes na buwan pa lamang ng Oktubre ng hilingin nila ito sa pamahalaan.
Nagbigay rin ng mensahe ang bise presidente ng asosasyon na si Souhailie Beray Amer kay Pasig City Mayor Vico Sotto na mapagbigyan ang hiling ng asosasyon na muling payagan ang mga manininda sa ikatlong palapag ng Pasig Mega Market kahit sa ilang natitirang araw ng Disyembre.
Dagdag ni Amer na lalong kinakailangan ng ilang manininda ang muling pagbubukas ng Friday ‘Night Market’ dahil tatapat ang Disyembre 25 at Enero 1 sa araw ng Biyernes.
Paliwanag pa niya na “Siguro baka dagsain pa ho… ng mamimili ang third floor kasi yung mga hahabol pa ng pangregalo ng kapaskuhan. Sa ngayon kasi wala pa kaming Friday…”
Iginiit naman ni Reyes na noon pa nila hinihingi ang dalawang araw na pagbubukas ng Friday ‘Night Market’ sa lungsod.
Dagdag pa niya na sa buwan lamang sila ng Disyembre makababawi dahil sa epekto ng pandemya sa mga manininda.
Tiniyak naman ni Reyes na nasusunod ng mga manininda sa third floor ng palengke ang health and safety protocols na ibinaba ng pamahalaan.
Paliwanag ni Reyes na meron silang ipinatutupad na safety measure para masigurong hindi nagdidikit-dikit ang mga manininda.
Saad pa nito na “Kung mag-dagsa man ang buyer, sumusunod pa rin kami sa face masks, face shield, social distancing… at binabantayan po yun ng mga SOG”
Ayon sa asosasyon na nabawasan ang mga nagtitinda sa Mega Market mula ng magsimula ang pandemya.
Sa ngayon ay bumaba na lamang ang bilang ng manininda sa palengke sa isang libong manininda. Mas kaunti ito kumpara sa karaniwang bilang na tatlong libong manininda sa Mega Market.
Hinikayat naman nina Reyes at Amer ang mga mamimili na bisitahin ang third floor ng Pasig Mega Market, ganoon rin sa mga suki ng third floor mula sa bayan ng Cavite, Laguna, Taguig, at Parañaque.
Bukas ang third floor ng palengke ng Pasig Mega Market tuwing araw ng Miyerkules at Sabado mula alas-5 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.
https://www.youtube.com/channel/UCRsngtaVv2iar-Ra9uR3qdw