MULA sa kasalukuyang ₱18,000, inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr ang karagdagang ₱2,000 dagdag insentibo para sa 1,011,800 pampublikong mga guro at mga non-teaching personnel.
Ito ang ipinahayag ni Secretary Sonny Angara ng Department of Education (DepEd) na nagpaabot na rin ng pasasalamat sa pangulo dahil magiging ₱20,000 na ang kabuuang Service Recognition Incentive (SRI).
“Pinasasalamatan namin si Pangulong Marcos, Jr. sa kaniyang walang katulad na dedikasyon upang iangat ang kapakanan ng ating mga guro at iba pang personnel,” sabi ni Angara.
Sinabi pa ni Angara na makikipag-ugnayan siya kay Secretary Amenah Pangandaman ng Department of Budget and Management (DBM) upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng nasabing dagdag insentibo habang isinasaalang-alang ang angkop na mga polisiya.
“Ang tunay na malasakit sa edukasyon ng ating pangulo ay minsan pang nagpapatunay na pangunahin sa kaniya ang mga guro na humuhubog sa kinabukasan ng ating bansa,” dagdag pa ng kalihim.
Inatasan din ng pangulo si Pangandaman na ipatupad ang mga mekanismo sa kinakailangang pondo upang maihanda na ang proseso sa implimentasyon ng SRI.
“Malaking tulong ito sa ating mga guro at kawani para sa kanilang paghahanda para sa kapaskuhan at sa pagsalubong ng bagong taon,” giit pa ni Angara.
Kasunod ng tagubiling ito ng pangulo, tiniyak ni Angara na patuloy niyang pangangalagaan ang kapakanan ng mga empleyado ng ahensiya sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
“Napakagandang regalo nito ng ating administrasyon na kinikilala ang sakripisyo at serbisyo ng ating mga kaguruan,” pagtatapos ng kalihim.