INIUTOS ni Education Secretary Sonny Angara ang agarang mobilisasyon ng safety checks at emergency support sa mga apektadong paaralan sa Mindanao kasunod ng naganap na magnitude 7.8 na lindol kahapon ng umaga na yumanig malapit sa Sarangani at kalapit na mga probinsya.
Kasabay ng nasabing mobilisasyon ay ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspendido ang lahat ng antas sa mga apektadong lugar sa Mindanao hanggang sa susunod na abiso.
Ayon kay Angara, nais aniya ng Pangulong Marcos na matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng mga paaralan na naapektuhan ng lindol.
“Kasunod ng iniutos ng Pangulo, ipinadala agad namin ang aming mga engineer sa apektadong mga rehiyon, partikular na sa DepEd Regional Office XII, para insipeksyunin ang mga gusali,” ang pahayag ni Angara.
Nagpadala rin ang kalihim ng mga structural engineer mula sa Central Office upang tumulong sa pagsasagawa ng damage assessment at magbigay ng karagdagang suporta sa mga regional teams na nasa mga apektadong lugar.
Nasa Cotabato City si Angara para sa monitoring ng pagbubukas ng klase nang mangyari ang lindol, at kaagad na nagsagawa ng pag-inspeksyon sa mga kalapit na paaralan.
Batay sa mga paunang ulat na natanggap ng ahensya, tinatayang 6,224 mga paaralan sa limang rehiyon ang direktang naapektuhan ng lindol samantalang nasa 3.2 milyong mag-aaral at 128,000 teachers at personnel naman ang apektado.
Tiniyak din ni Angara sa mga guro, mga magulang at mag-aaral na maglalaan ang DepEd ng tulong para sa apektadong mga parlan.
Sinabi pa ng kalihim na maaaring gamitin ng mga paaralan ang kanilang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) para sa agarang pagkukumpuni ng mga pasilidad na mangangailangan ng minor repairs na nagkakahalaga ng hanggang P50,000.
Inatasan din ni Angara ang lahat ng paaralan na rebyuhin at mahigpit na ipatupad ang mga hakbang sa paghahanda kapag may lindol, kabilang na ang mga evacuation procedure at regular na pagsasagawa ng earthquake drills, upang higit pang mapalakas ang kahandaan sa mga susunod na emerhensiya.
“Naiintindihan ko ang ating mga kabarong riders.mga magulang, mga guro, at learners. Kapag ligtas na ang lahat, saka natin ipagpapatuloy ang pag-aaral. Kaligtasan muna ang una,” pagtatapos ni Angara.

