KINUWESTYON ni Atty. Mark Tolentino, ang abogado ng dating broadcaster na si Jay Sonza kung bakit non-bailable ang kaso ng kaniyang kliyente batay sa mga dokumentong iprinisinta ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Tolentino, ang kaparusahan sa isinampang kaso laban kay Sonza ay hindi panghabambuhay o reclusion perpetua kaya ang pagpiyansa ay pinahihintulutan ayon sa Saligang Batas.
Sinabi pa ng kampo ng dating host ng radio-TV program na ‘Mel and Jay’ na nakahanda na umano silang magpiyansa isang araw bago ilabas ang warrant of arrest pero ito umano ay hindi pa inisyu ng korte.
Laking gulat na lamang umano nila na biglang nagkaroon ng arrest warrant kinabukasan, Huwebes, at ‘non-bailable’ pa sa araw ng Biyernes, isang holiday. At dahil walang opisina ang korte sa Sabado at Linggo, sa Mayo 4, Lunes pa sila makakaharap sa korte.

Napansin naman ng ilang netizen ang isinampang kaso laban kay Sonza dahil batay sa dokumento ang kaso ay ibinatay sa Revised Penal Code (RPC) 154 as amended by Republic Act (R.A.) 10591.
Kung ise-search mo ang RA 10591, ito ay ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (Republic Act No. 10591), na naisabatas noong Mayo 29, 2013 na may parusang ‘prison mayor’ (pagkabilanggo mula 6 na taon at isang araw hanggang 12 taon) hanggang ‘reclusion perpetua’ o habambuhay na pagkabilanggo.
Sabi naman ng ilang netizen, hindi kaya ang tinutukoy sa kaso ay ang RA 10951 o Amendments to the Revised Penal Code on Fines and Imprisonment Penalties na naisabatas noong 2017?
