ITO ang tinuran ni Pacifico “Curlee” Discaya, ang isa sa 15 kontraktor na pinangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha umano ng bilyun-bilyong kontrata sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at naka-detine ngayon sa senado matapos ma-cited in contempt ng mga senador.
“Ang problema ngayon, kahit magdadag pa ako ng [iba pang] mga pangalan useless lang kasi mga kaalyado na nila lahat eh,” hinaing ni Discaya ayon sa mapagkakatiwalaang source na ayaw magpabanggit ng pangalan.
Dismayado rin umano si Discaya sa mga nangyayari dahil lumalabas na sila pa ang nagdurusa ngayon sa kabila nang pagbubulgar nila sa mga pulitiko na sangkot sa korapsyon.
“Sana hindi na lang namin pinangalanan, sana yong sistema [ng korapsyon sa DPWH] ay hindi na lang namin [i]binulgar. Nakisama na lang [sana] kami,” dagdag pa ng kontraktor.
Sinabi pa umano ni Discaya na ang isyu ng SOP sa flood control projects ng DPWH ay naabutan na nila mula pa noong 2016 ngunit ang ipinagtataka niya bakit mula 2022 lang hanggang 2025 ang binusisi.
“Para bang ‘kinokontrol’ nila sapagkat ang idadagdag naming mga pangalan ay tatamaan [mismo] ang administrasyon dahil ang mga Duterte congressmen noon ay BBM supporters na ngayon,” dagdag pa ni Discaya.
Sa nangyayari ngayon, sila na umano ang itinuturing na “big fish” samantalang ang binabanggit sa imbestigasyon sa kongreso na P180-B na proyektong nakuha nila sa ahensya ay hindi “one-time, big-time.”
“Yong binabanggit nila na P180 billion daw na naging project namin sa DP[WH]ay [nakuha namin sa] loob ng napakahabang 20 years. [Ngayon] parang pinapalabas nila na yong P180 billion na yon eh ngayon lang namin nakuha,” sabi pa ng kontratista.
Isa pa umano sa hinanakit ni Discaya ay pinalalabas na sa P180-B nilang nakobrang halaga ng proyekto, lahat yon ay “ghost projects.”
“Panay kalsada, panay eskwelahan yong [mga proyekto na yon], pa[a]no magiging ghost [project yon]? At saka wala naman kami[ng] ghost [projet] kasi unang-una kadalasan ay na-audit ng [Commission on Audit] COA,” ayon pa kay Discaya.
Ayon pa kay Discaya, pinaghahandaan na umano ng kanilang legal team ang tungkol sa paghiling sa judge na may hawak sa kaso ng kaniyang asawa na si Sarah para puntahan ang mga sinasabing ghost projects at kahit na sila pa umano ang gagastos.
“Willing kaming gumastos para sa ganon [kasama ang] judge, ay puntahan nila [para] makita ng naked eye [nila] na talaga yong project na yon [ay] nag-e-exist, at hindi talaga siya ghost project,” ang pahayag ni Discaya.



