Home News Nasyunal DepEd union leader sa mga SDS: ‘Ratipikasyon ng CNA ‘wag harangin’

DepEd union leader sa mga SDS: ‘Ratipikasyon ng CNA ‘wag harangin’

0
Si Atty. Domingo Alidon, presidente ng DepEd National Employees Union (NEU) (File photo)

NAKIKIUSAP si Atty. Domingo Alidon, presidente ng Department of Education-National Employees’ Union (DepEd-NEU) sa mga opisyal ng kagawaran partikular na ang mga Schools Division Superintendent (SDS) na tigilan na ang panghaharang sa ratipikasyon ng Collective Bargaining Agreement (CNA) na siyang daan para makatanggap ng insentibo ang kanilang mga non-teaching DepEd personnel member.

Ito ang tinuran ni Alidon sa unang araw pa lamang ng kanilang 3-day National Congress sa Baguio City na ginanap sa Crown Legacy Hotel, Nobyembre 26, 2025.

Sa isang mini-press conference, inisa-isa ni Alidon ang proseso ng CNA mula sa paglagda pa lamang ng miyembro ng unyon at pamunuan nito, pagpapanotaryo, ratipikasyon hanggang sa pagsumite ng mga dokumento sa Civil Service Commission (CSC) para makuha ang ratification number.

”Kapag walang mangyayaring ratipikasyon, walang silbi ang CNA kahit may kasunduan na. Kailangan kasi ng 50% plus 1. Ibig sabihin, sa 100 personnel, dapat ay may pumirmang 51,” ang paliwanag ni Alidon.

Sinabi pa ni Alidon na hindi makagalaw ang marami sa kanilang non-teaching personnel member pagdating sa pagpapapirma dahil hinihintay pa umano ng mga superintendent ang division memorandum, na hindi naman na kailangan.

“Isipin mo hindi [sila] gagalaw hangga’t wala yong division memo. Napaka- bureaucratic talaga. Eh karamihan sa mga regional directors ay hindi alam ang proseso ng ratipikasyon, kaya’t hindi malinaw kung bakit tila ba nangingialam pa ang mga superintendents,” himutok pa ni Alidon.

”Kaya nga tinawag itong ‘honeymoon contract’ kasi partnership ito ng unyon at ng pamunuan. Kaya hindi na nila dapat hinaharang ang CNA,” pagtatapos ng union president.

Exit mobile version