PATUNG-PATONG na mga kaso ang kinakaharap ngayon ng isang binata matapos itong maaresto dahil sa reklamong pagnanakaw at panggagahasa sa isang masahista at kasong paglabag naman sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa isa pang kasamahan nito sa Brgy. Maybunga, Pasig City, Hulyo 10, 2025.
Ayon sa report na nakarating kay PCol. Hendrix Mangaldan, chief of police ng Pasig City, kinilala ang mga suspek na sina alyas “Dex,” at si alyas “Nani” na nahuli sa isinagawang follow-up operation.
Batay sa ulat, nagpa-book umano si alyas “Dex” upang tumungo ang massage therapist na si alyas “Mae” sa inuupahang condo unit nito, na ayon sa biktima ay palinga-linga sa bintana at aligaga ang suspek nung siya ay dumating.
Sinabi ng biktima na bagama’t napansin na niya na may aluminum foil at iba pang drug paraphernalia sa kuwarto ng suspek, ipinagpatuloy pa rin niya ang pagmamasahe.
Matapos maubos ang ibinigay na inumin sa kaniya ng suspek, nakaramdam umano siya ng pagkahilo at tuluyan nang nawalan ng malay.
Idinagdag pa ng biktima na hubo’t hubad umano siya nang magkamalay, nagkalat ang kaniyang mga gamit, nawawala ang kaniyang mobile phone pati na ang ilang mga IDs at cash.
Sinabi pa ni alyas “Mae” na seksuwal na inabuso umano siya ng suspek at agad na sinamahan siya ng may-ari ng condominium unit upang i-report ang insidente at humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Agad na ikinasa ng Rosario Substation 7 ang isang follow-up operation at inaresto ang suspek kasama ang kaibigan nito na si alyas “Nani” kung saan narekober ang mobile phone ng biktima.
Nakumpiska rin mula sa kanila ang limang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng white crystalline substance na pinaniniwalaang shabu na may timbang na 12 gramo at street value na P81,600.
Batay sa imbestigasyon, modus na umano ni alyas “Dex” ang mambiktima ng mga babaeng masahista gamit ang iba’t ibang pangalan at ID. Nakikipag-ugnayan na ang mga pulis sa isa pang nabiktima rin umano ng suspek.
Giit pa ni Mangaldan, naaresto na rin si alyas “Nani” sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 noong Setyembre 9, 2021.
Mga kasong paglabag sa Anti-Rape Law, drug possession, ang inihahanda laban sa dalawa na kasalukuyang nakakulong sa custodial facility ng Pasig PNP para sa inquest proceedings sa Pasig City Prosecutor’s Office.