MARIING itinanggi ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman at retired judge Felix Reyes ang mga akusasyon laban sa kaniya na sangkot umano siya sa case-fixing para paboran ang negosyante na si Charlie “Atong” Ang.
Ito’y kasunod ng mga pahayag ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, alyas “Totoy” kung saan ibinulgar nito na may nag-aayos umano ng mga kaso ng kaniyang dating amo na isang retiradong judge at nagtatrabaho sa PCSO.
Sa ipinadalang opisyal na pahayag sa media nitong Hulyo 8, 2025, sinabi ni Reyes na “malisyoso” at “walang basehan” ang mga ipinukol sa kaniya partikular na ang akusasyon na may kinalaman umano siya sa mga kaso kaugnay ng nawawala at pinatay na mga sabungero.
“Pinabubulaanan ko ang mga akusasyon ni Ginoong Patidongan. Hinahamon ko siya na tukuyin kung anong kaso ang aking inayos pabor kay Mr. Atong Ang,” ang pahayag ni Reyes.
“Kung wala siyang maipakitang pruweba, dapat na itikom na lang niya ang kaniyang bibig,” dagdag pa ng retiradong hukom.
Sa nasabing pahayag, pinayagan ni Reyes ang Bureau of Immigration (BI) na isiwalat sa publiko ang rekord ng lahat ng kanyang biyahe sa ibang bansa mula nang magretiro ito bilang judge noong Oktubre 1, 2021, hanggang sa kasalukuyan.
“Ito’y para lang mapatunayan na wala akong anumang naging lakad na kasama ang mga prosecutor o mga judges para sa umano’y case-fixing,” giit pa ni Reyes.
Kaduda-duda rin ani Reyes ang timing ng akusasyon laban sa kaniya kung saan inilabas ito isang araw matapos siyang magsumite ng aplikasyon para sa posisyon bilang Ombudsman, na ayon sa kaniya ay parang hindi nagkataon lamang.
Tiniyak din ni Reyes na para linawin ang isyu, handa siyang makipagtulungan sa mga awtoridad sa anumang gagawing imbestigasyon upang mapangalagaan ang integridad ng hudikatura at prosekusyon.
Matatandaan na lumitaw ang mga akusasyong ito laban kay Reyes habang patuloy na iniimbestigahan ang kaso ng mga nawawalang sabungero, na hanggang ngayon ay hindi pa nareresolba kung sino ang dumukot at nagpapatay sa mga ito.