Masustansiyang cake ipinamahagi ng Mandaluyong LGU sa mga bata, inang buntis

0
Masustansiyang cake ipinamahagi ng Mandaluyong LGU sa mga bata, inang buntis

PINANGUNAHAN nina Mandaluyong City Mayor Ben Abalos at Vice Mayor Menchie Abalos ang distribusyon ng micronutrient-fortified cake sa mga bata at inang buntis, ngayong araw.

Ang mga cake ay mayroong micronutrient powder mula sa Department of Health (DOH) na isinusulong ng Nationalo Nutrition Council (NNC).

Layunin ng naturang programa na isulong ang micronutrient supplementation at food fortification para mapuksa ang malnutrisyon sa bansa.

Daan-daang piraso ng mga chocolate cake, carrot cake at banana cake, na hinaluan ng micronutrient powders, ang ginamit sa 8×16 feet na watawat ng Pilipinas na binuo sa lobby ng Mandaluyong City Hall.

Sina Vice Mayor Menchie Abalos at Councilor Anthony Suva at iba pang mga opisyal, habang hinihiwa ang masustansiyang 8×16 feet cake na binuo tulad ng isang watawat.

Bilang pakikiisa ng pamahalaang lungsod sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12, napiling idisenyo ang watawat ng Pilipinas sa nasabing cake.

Katuwang ang Barangay Malamig sa pamumuno ni Kapitana Cynthia Caluya sa paggawa ng nasabing cake at ang Barangay Nutrition Scholars bilang paggunita sa nasabing piyesta opisyal batay sa temang “Araw ng Kalayaan, Kalayaan sa Malnutrisyon.”

Dumalo rin sa nasabing okasyon sina NNC-NCR Regional Nutrition Program Coordinator Mila Federizo, DOH-NCR Nutritionist Dietician Josefino Serneo, at iba pang mga kawani ng mga nasabing ahensiya.

Ayon kay Mayor Abalos, maliban sa aktibidad na ito, marami pang programa ang pamahalaang lungsod kaugnay sa isyung pangkalusugan para labanan ang malnutrisyon.

About Author

Show comments

Exit mobile version