AstraZeneca umamin, COVID vaccine maaaring magdulot ng masamang epekto

0
AstraZeneca umamin, COVID vaccine maaaring magdulot ng masamang epekto. (File photo)

SA kauna-unahang pagkakataon ay inamin ng pharmaceutical giant na AstraZeneca batay sa mga isinumite nitong dokumentong legal, na maaaring magdulot ng iilang masamang epekto ang ginawa nitong bakuna laban sa COVID.

Ito’y matapos sampahan ng kaso ang nasabing kompanya na inakusahang ang bakunang binuo at ginawa nito kasama ang Oxford University ay maaari di-umano’y maging sanhi ng kamatayan at makapipinsala ng malubha.

Katwiran ng mga abogado na ang nasabing bakuna ay nagdulot ng side effect at nagdulot ng kapaha-pahamak na epekto sa iilang pamilya.

Ang unang kaso ay inihain noong nakaraang taon ni Jamie Scott, ama ng dalawang anak, at nagkaroon ng permanenteng pinsala sa utak matapos magkaroon ng pamumuo ng dugo at pagdurugo sa utak.

Bunga nito, hindi na nakapagtrabaho si Ginoong Scott matapos mabakunahan noong Abril 2021.

Ayon sa The Telegraph ng London, tatlong beses tinawagan ng ospital ang asawa nito at sinabing ang kaniyang asawang lalaki ay mamamatay na.

Tinutulan ito ng AstraZeneca ngunit batay sa isang legal na dokumento na isinumite sa Mataas na Hukuman nitong Pebrero, inamin nito na ang nasabing bakuna ay “maaari, sa pambihirang kaso, ay magdudulot ng TTS.”

Ang TTS o Thrombosis with Thrombocytopenia Syndrome ay maaaring magdulot ng blood clot at gayundin ng mababang bilang ng blood platelet count.

Limampu’t isang kaso ang inihain sa High Court ng mga biktima at nagdadalamhating mga kaanak at humihingi ng danyos na aabot sa £100 million.

Ang pag-amin na ito ng AstraZeneca—bilang legal na depensa sa High Court laban kay Ginoong Scott—ay nagdulot ng matinding pagtatalo sa batas.

Maaaring humantong sa kaliwa’t kanang pagbabayad ang nasabing drug company kung aaminin nga nito na nagdudulot ng seryosong sakit at kamatayan ang dinibelop nitong bakuna laban sa Covid.

About Author

Show comments

Exit mobile version