TIMBOG ang anim na sugarol, kabilang ang isang bebot matapos maaktuhang naglalaro ng ‘cara y cruz’ at makuhanan pa ng ilegal na droga ang dalawa sa kanila sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong mga suspek na sina alyas ‘Odeng’, 31, scavenger, “Simon”, 23, pedicab driver, “Aries”, 41, “Wilmon”, 28, barker, “Lloyd”, 22, delivery rider, at “Lota”, 34, scavenger.
Habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Statiom 2 sa kahabaan ng 3rd Avenue, Brgy. 118 nang maaktuhan nila ang mga suspek na naglalaro ng ilegal na sugal na ‘cara y cruz’ na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.
Nakumpisa sa mga suspek ang tatlong peso coins na gamit bilang ‘pangara’ at bet money habang nakuha kina ‘Odeng’ at ‘Simon’ ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng nasa 1.4 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P9,520.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 habang karagdagan na kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin nina ‘Odeng’ at ‘Simon.’