Planong coup laban kay Zubiri, napurnada

0
Planong coup laban kay Zubiri, napurnada

NAPURNADA ang planong pagpapatalsik kay Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri bilang Senate President matapos na maglabas ng manifesto ang mayorya ng mga miyembro ng Mataas na Kapulungan.

Sa isang press conference kahapon, sinabi ni Zubiri na nagpapasalamat siya sa mga kasamahan niyang mambabatas na kaagad na nagpulong at pumirma sa isang manifesto ng suporta sa kaniya upang mahinto na ang mga haka-haka kaugnay sa pagpapatalsik sa kaniya.

“Palagi kong sinasabi na maglilingkod ako kung gusto pa ng mga kasamahan ko, at dahil nga sa kanilang matibay na suporta sa akin kaya nandito pa ako bilang Senate President,” sabi ni Zubiri.

Sa 24 na senador, 14 na mambabatas ang pumirma sa manifesto sa anyong resolusyon. Kailangan lamang niya ng 13 lagda para manatili sa puwesto.

“Nagpapasalamat ako sa kapuwa ko mga senador-yaong mga pumirma na, at ganun din sa mga nagpahayag ng kanilang pagnanais na pipirma rin,” dagdag pa ng pangulo ng senado.

Maaga nitong lingo, kinumpirma na ng ilang senador ang mga espekulasyon na magkakaroon ng pagbabago ng pamunuan sa senado.

Ayon kay Senadora Imee Marcos, malakas aniya ang “pressure” kay Zubiri mula sa Mababang Kapulungan, na bumaba sa puwesto.

Sinusugan naman ito ni Deputy Majority Leader na si Joseph Victor “JV” Ejercito at ang posible na pangunahing dahilan ay ang isinusulong ng kongreso na amyenda sa saligang batas sa pamamagitan ng People’s Initiative (PI).

Matatandaan na nagkaroon ng palitan ng maaanghang na mga salita kapuwa ang Senado at Kongreso kaugnay sa isyu ng pag-amyenda ng Saligang Batas na pinagtibay noong 1987.

“Halata naman [na may kaugnayan ito sa PI] dahil walang-tigil ang atake nila sa senado,” pahayag ni Ejercito.

Sina Senador Cynthia Villar, Jinggoy Estrada at Bong Revilla ay ilan sa napapabalitang may potensyal na lalaban kay Zubiri sa nasabing puwesto, ngunit ayon kay Zubiri, nakausap niya ang tatlo at nagpahayag na wala silang interes na palitan siya bilang lider ng senado.

About Author

Show comments

Exit mobile version