MATAPOS hilingin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga motorista na sumunod sa batas trapiko, iniutos ng LTO na dagdagan ang kanilang traffic enforcers sa mga pangunahing lansangan.
Nitong Martes, sinabi ni Asst. Secretary Vigor Mendoza II, hepe ng LTO o Land Transportation Office na titiyakin nila na sumusunod ang lahat ng motorista sa mga batas-trapiko, partikular ang pagsakay at pagbaba ng mga pasahero, at ang ekslusibong paggamit ng bike lanes.
“Patuloy tayong makikipag-ugnayan sa ating mga LGUs, MMDA, at sa Philippine National Police (PNP) upang tiyakin ang disiplina sa daan dahil ito naman ay para sa kaligtasan ng lahat,” ayon kay Mendoza.
“Hindi puwede na ang mga pasahero ang masusunod kung saan sila bababa at sasakay. Bilang mga tsuper, makakatulong din tayo sa panawagan ng ating Pangulo na magkaroon ng disiplina ang lahat ng road users,” aniya pa.
Pero ayon sa isang observer, nanatiling pipi si Mendoza sa paglaganap ng mga tricycle na gumagamit ng highways at national roads na mapanganib sa mga motorista, lalo na sa mga nakasakay sa tricycle.
Matatandaang noong Nob. 1, 2023, apat na katao ang napatay matapos banggain ng isang pickup truck ang isang tricycle sa national road sa Biñan City. Marami pang mga tricycle accidents na katulad nito sa ibang lugar na ikinamatay ng driver at mga pasahero, dahil sa pagpayag ng LGUs na magbiyahe sila, kapalit diumano ng boto sa eleksyon.
Ang patuloy na pagbubulag-bulagan ng LTO at iba pang ahensya ng gobyerno sa mapang-abusong paggamit ng tricycles sa pangunahing lansangan ay dapat nang tuldukan, ayon sa isang netizen.