ARESTADO ang pinakalider ng gang na sangkot sa panghoholdap sa isang vape shop sa Valenzuela City, matapos ang isinagawang manhunt operation sa Pasig City, kamakalawa ng hapon.
Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Enero 22, 2024 ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Orven Kuan Ontalan ng Branch 285, dinakip ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Salvador Destura, Jr, ang akusadong si alyas “Llamas”, residente ng Binangonan, Rizal, na kabilang sa Top 10 Most Wanted Person ng lungsod, sa Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Ayon sa report, si Llamas at isa pang akusado ay umarkila ng sasakyan nang isagawa ang panghoholdap sa isang vape shop sa Del Rosario St. Brgy Marulas noong Disyembre 5, 2023 kung saan natangay nila ang may P2.4-M na halaga ng cash at mga produkto.
Sa ginawang follow-up operation ng mga tauhan ng Station Intelligence Section (SIS) ng Valenzuela police, naaresto agad sina alyas Hermoso, 37, Gascon, 38, at Fresto, 32, matapos matunton sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS) ng inarkila nilang sasakyan, sa tulong na rin ng may-ari nito, at nabawi ang P304,800.00 halaga ng produkto.
Itinuro nila sa Llamas na umano’y may pakana sa panloloob na naging daan upang maglabas ng arrest warrant ang hukuman na may inilaang piyansang P100,000.00 para sa pansamantalang paglaya.
Ang grupo rin ng mga akusado ang itinuturong nangholdap sa isa ring vape shop sa Sta Ana, Maynila at tumangay sa P1.8 milyong halaga ng produkto at salapi noong Agosto ng nagdaang taon.