KAILANGAN ang agarang pagpapatupad ng “Comprehensive Sexuality Education (CSE)”
para sa mga kabataan.
Ito ang binigyang-diin ni Sen. Win Gatchalian, matapos ilabas ang report na lomolobo
ang bilang ng mga 15-anyos na kabataan na nabuntis magmula 2021.
“Bagama’t may polisiya na ang DepEd sa pagpapatupad ng CSE sa ilalim ng DepEd
Order No. 31 s. 2018, kinakailangang tiyakin natin ang epektibong pagpapatupad nito
sa mga paaralan,” ani Gatchalian.
Inihain niya ang Senate Resolution No. 13 na naglalayong suriin ang pagtaas ng bilang
ng mga maagang pagbubuntis at mga kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa
mga kabataan para mapatatag ang CSE.
Ayon sa Commission on Population and Development (CPD), sa pagitan ng 2021 at
2022, umakyat sa 3,135 o 35.13 percent mula 2,320 ang bilang ng mga 15-taong
gulang na nanganak.
Sinabi ni CPD Executive Director Lisa Bersales na habang nasa 0.22 percent lamang ng
mga kabuuang live births ang mga nabubuntis na 14-anyos pababa, nababahala pa rin
ang ahensya sa paglobo ng bilang ng mga maagang pagbubuntis.
“Nakakabahala ang pagdami ng bilang ng mga batang ina, lalo na’t hinaharap ng mga
kabataang ito ang panganib na matigil sa pag-aaral at makaranas ng karahasan.
Mahalagang tiyakin nating nasa paaralan ang mga babaeng mag-aaral, at matatanggap
nila ang epektibong sexuality education para sa kanilang sapat na kaalaman at
proteksyon,” ani Gatchalian, Chair, Senate Committee on Basic Education.