HINAMON kahapon ni Senador Imee Marcos ang pinsan nito na si House Speaker Martin Romualdez na dumalo sa ipapatawag nitong senate investigation na nakatakdang ganapin sa Martes, Enero 30.
“Relax ka lang [insan]. Masyado kayong defensive. Sa Tuesday pa ang hearing natin,” ayon sa senadora sa isang panayam sa radyo.
Sinabi ni Marcos na si Romualdez ang nasa likod ng “mapanlinlang” na People’s Initiative (PI) dahil umano sa siya ang gumastos nito.
“Sigurado ako na ang opisina ni Romualdez ang nasa likod nito dahil ₱20 million ang ipinamimigay ni Speaker bawat distrito at may timeline sila na kailangan umanong matapos sa Hulyo 9,” dagdag pa ng senadora.
Giit naman ni Romualdez na wala aniyang batayan ang mga sinasabi ng kaniyang pinsan at hinamon nito ang senador na patunayan ito sa korte.
“Walang basehan ang mga sinasabi niya. Kakausapin ko na lamang siya dahil baka mula lang sa tsismis ang mga nababalitaan niya,” ayon naman kay Romualdez.
Tiniyak ni Marcos na magiging patas siya sa kaniyang isasagawang imbestigasyon dahil patutunayan niya na mali ang ginagawang inisyatibong ito sapagkat may halo itong panlilinlang.
Ang tinutukoy ng senadora ay ang pagpapapirma umano sa mga benepisyaryo ng iba’t ibang uri ng ayuda mula sa nasyunal na pamahalaan kung saan wala aniyang kamalay-malay ang mga ito na pinapipirma na pala sila sa isinusulong ng Mababang Kapulungan na baguhin ang Saligang Batas gamit ang People’s Initiative.