LABIS na nabahala si Senador Risa Hontiveros sa pagbibigay ng Bureau of Immigration
ng work visas sa mga pekeng korporasyon na nagpapapasok ng libu-libong dayuhan,
na karamiha’y Chinese.
“This is a national security risk. Hindi natin alam baka mga sindikato at kriminal na ang
mga nakapasok sa bansa. We also have information that these work visas are what
foreign nationals use to work for Philippine Offshore Gaming Operators. Sisiyasatin
namin ito sa susunod na hearing,” ani Hontiveros.
“I do welcome the Department of Justice (DoJ) directive that orders the BI to stop
granting work visas requested by fake companies. Isang mahalagang hakbang ito para
matigil ang mga kababalaghan sa ahensya,” dagdag pa ng senadora.
Ayon sa DoJ, nagbigay ang BI ng libu-libong pre-arranged employment visa, na
tinatawag na 9G, sa mga dayuhan na umano’y nagtatrabaho sa mga pekeng lokal na
korporasyon.
Ani Hontiveros, na nanguna sa serye ng mga pagdinig sa korapsyon sa BI na kilala sa
tawag na “Pastillas Scam,” na dapat pag-igtingin pa ng ahensya ang paglilinis sa hanay
nito.
Matatandaang patuloy na dumarami ang mga krimen — partikular ang pagpatay,
kidnap for ransom, at rape — na kinasangkutan ng karamiha’y Tsinong kawani ng
POGO, kaya dapat daw na tuluyan nang tuldukan ang operasyon nito sa bansa, para sa
ating kaligtasan, ayon sa isang netizen.