Pansamantalang ipinagbabawal ng Department of Agriculture ang pag-aangkat ng poultry products mula sa Japan dahil sa outbreak ng avian influenza.
Sa Memorandum Order na nilagdaan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ipinag-utos din nito ang pagsuspinde sa pag-iisyu ng sanitary at phytosanitary import clearance para sa inward shipment ng mga wild bird at poultry product mula sa naturang bansa.
Sinabi pa ng DA na nakatakdang ibalik, kumpiskahin o sirain ang mga poultry product at wild bird na naipadala o naibyahe na sa pilipinas pagkatapos ng November 10, 2023.
Inilabas ng ahensya ang ban matapos iulat ng ministry of agriculture, forestry, and fisheries ng Japan sa World Health Organization for Animal Health ang pagkalat ng highly pathogenic avian influenza noong November 28, 2023.
Una nang ipinagbawal ng DA ang pag-aangkat ng poultry products mula sa California at Ohio sa Amerika dahil sa outbreak ng bird flu o highly pathogenic avian influenza.