INIULAT ng Land Transportation Office (LTO) na umabot sa halos 530,000 ang mga
hinuling motorista ng ahensya noong 2023 dahil sa iba’t ibang paglabag.
Ito ay matapos paigtingin ng LTO ang pagpapatupad ng road safety at iba pang traffic
laws para matiyak na ligtas ang lahat ng mga gumamit ng kalsada sa buong bansa.
Para ngayong 2024, base sa instruksyon ni Department of Transportation (DOTr) Sec.
Jaime Bautista, sinabi ni Atty. Vigor Mendoza II na nag-utos na sila sa lahat ng regional
directors ng ahensya na panatilihin ang visibility ng lahat ng enforcers para matiyak
ang disiplina sa kalsada.
Dahil sa paglabag sa “Clean Air Act”, “Seatbelt Law”, pati na rin overloading, na-
impound ng LTO ang kabuuang 28,615 motor vehicles, mas mataas ng 47 percent
kaysa noong 2022.
Mahigpit na ring ipatutupad ang “No Registration, No Travel” policy para mapilitang
magpa-rehistro ang 24.7 milyong mga sasakyan na hindi naka-rehistro o expired ang
registration. Ang bilang na ito ay kumakatawan sa 65 percent ng lahat ng mga
sasakyan sa buong bansa.
Samantala, muling pinapurihan ni Mendoza ang Philippine Society of Medicine for
Drivers (PSMED) dahil sa donasyon nitong apat na milyong plastic cards para tuluyan
nang mabura ang backlog sa driver’s license.
Matapos mag-isyu ang LTO ng authority sa supplier na gamitin ang disenyo at logo ng
ahensya sa driver’s license, inaasahang magbubukas ito ng daan para sa delivery
ngayong Enero ng 300,000 plastic cards.
Magtutuloy-tuloy ang delivery ng 300,000 plastic cards tuwing ika-15 araw at ang
huling batch ng 100,000 cards hanggang sa makumpleto ang apat na milyong sakop ng
kasunduan.
Hinihimok ng LTO ang publiko na bisitahin ang kanilang online portal para mapabilis
ang pagre-renew ng driver’s license.